Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

Miyerkules, Agosto 17, 2016

SAGUTAN NG MAG EX...

Papanumbalikin ko
By: ex boyfriend
Panunumbalikin ko ang lahat nang nawala
Ang mga ngiti at akap, sa bawat mong pagluha
Ang lahat ng nadaramang rahuyo at hiwaga
Hahagilapin ko't panunumbalikin sila
Ipapapaalala ko sa malamyos mong balat kung paano nanulay ang aking mga daliri,
Patungo sa katawan mong palasyo ng langit at walang kapantay na gali,
Muli kong sasambitin ang mga katagang nagpapanginig noon sa buo mong katawan,
Kasunod ay ang paghalik sa leeg mo braso at sa perpektong kurbada ang iyong bewang
Hayaan mo akong muling ilagay ang aking daliri sa pagitan ng iyo
Paglapatin ang ating mga palad at pagsaluhan ang init kasabay ng malakas na kabog ng puso,
Sa ganitong paraan mabubuhay muli ang pakiramdam kung paano kita noon hindi binitawan
Sa gitna ng lahat ng hagupit at unos na sa atin ay sa huli'y nagtagumpay ring tayo ay mapaghiwalay
Panunumbalikin ko ang lahat ng pakiramdam na naibigay ko na dati,
Upang maalala ng katawan mo na isang parte nito ang minsan kong inari,
At kapag yong parteng yon ay natagpuan ko pa ring bakante,
Muli kong papasukin at doon ako mamamalagi.
Pagbuksan mo ako.
×********************************************×
Hindi na Muling Magbabalik
By: ex girlfriend
Kung akala mo ay madaling magbabalik ang lahat, nagkakamali ka
Sapagkat nandito pa rin ang sugat kahit ang sakit ay humupa na
Ramdam ko pa rin ang punit na iyong ginawa,
Sa puso kong minsang pinasok mo nang aking ipinaubaya
Hindi sapat ang bawat haplos upang ipaaalala sa akin kung paano mo ako hinatidan ng init at kilig,
Sapagkat sasakupin lang nito ang aking gunita sa mga araw at gabing di kita nauulinig
At ang mga daliring dati ay gusto ko laging nasa pagitan ng mga daliri ko, hindi na nila ito makikilala,
Halikan mo man ako mula ulo hanggang talampakan kagaya ng dati,
Mahina na ang gayuma na dala ng laway mo sa dila mong nagsasanga kung madilim ang gabi
Wala na akong mapapangako sa iyo sapagkat inubos mo na
Hindi man nagsasara ang puso, ibig kong malaman mong marunong itong kumilala
Ng dito ay nagpasaya, subalit nanakit, nagpaasa, at nagpaluha
Kung kaya nga at siguro'y wala nang pangalawang pagbati ng maligayang pagbabalik, siguro'y paalam na
Hindi na kasi manunumbalik ang aking puso sa pagkabata
Nang ito ay wala pang karanasan sa mga katulad mong maninila
Kung kaya wag mo na rin sigurong sikapin o subukang panumbalikin pa
Sapagkat hindi pa, wala pa ulit puwang na sa iyo ay kikilala
Paumanhin at paalam

Laro

(PAGLARUAN MO NANG LAHAT WAG LANG ANG AKING NARARAMDAMAN - game over)
Mula pa nong umpisa laro na sa atin ang lahat
Nagsimula tayo sa taguan
Taguan ng nararamdaman
Nagpapakiramdaman
Naghuhulihan
Nagsusulsulan
Hanggang sa magkaaminan
At tayo nga ay nagsimulang magmahalan
Siguro nagmahalan nga tayo
Masaya kang kalaro
Maloko, mabiro, madaya
Kasi sa tuwing mahuhuli na kita
Nakakatakas ka
Magaling ka...
Hanggang sa ang larong sinimulan natin sa taguan
Nauwi sa tulakan
Sakitan
Iyakan
Gusto ko noong humingi ng time first
Magpahinga kasama ka
Sabalit ayaw mo kaya...
Nagumpisa tayo ng habulan
Habulan na ako araw-araw ang taya
Lalayo ka
Hahabulin kita
Sa pag-asang mahuhuli kitang muli
Napagod lang ako
Nagkasugat-sugat sa pagkakadapa
Ang tuhod at siko
Sa huli'y umuwi akong lumuluha
Nang makita kitang
May kalaro nang iba.
Ang bilis naman
Tapos na pala tayo?
Kaya eto ako ngayon
Hinihintay na lang kitang umayaw sa kanya
Tapos laro ulit tayo ha
Tanga-tangahan naman...
Ako na lang ulit ang taya
Ako na lang ulit ang aasa
Ayos lang naman sa akin
Basta makalaro lang ulit kita