visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

Sa Jeep


By: vhanfire
Mabilis ang sinasakyan nating jeep ngayong gabi
Tila pintig ng puso kong may sinasabi
Sa bawat pagwasiwas ng hangin sa malambot mong buhok
Na sa aking pisngi may labtik kapag sumasalpok
Katabi lamang kita
Magkabalikat, magkabraso, magkahita
Subalit hindi ka pa rin maabot-abot
Ng isip kong pinag-aagawan ng panaginip at bangungot
Napatingin ako sa maamo mong mukha
Wala pa ring pinagbago ang taglay mong ganda
Malinaw pa rin ang pagkainosenteng pilit inaagaw ng kahapon
Subalit nagawa mong ipagkait sa haba ng panahon
Gusto sana kitang kausapin
Magsimula ng kwentuhang mapagsasaluhan natin
Subalit pinagkapit ng hiya ang aking mga labi
Kaya't tahimik lamang ang ating naging byahe
At malapit ka nang bumaba
Kaya umakto ka nang papara
At sa hudyat mo unti unting humina
Ang pintig ng dibdib ko
Tumigil ang jeep sa may kanto
Bumaba kayo ng syota mo
Hanggang sa muli ex ko
Hanggang magkasuno ulit tayo
😊😊😊

Maling Panahon


by: vhanfire
Hindi ito ang panahon para sa ating dalawa
Hindi ito ang panahon para ibigin ka
Batid kong ang puso mo ay mayroong iba
Ngunit bakit nga ba hindi na lang ako s'ya?
Tinatanong ko rin kung sinong dapat sisihin
O kung may dapat ba o 'wag na lang sagutin
Pagkat sa huli ay tayo at tayo pa rin
Ang dapat magtakda, ang dapat tanungin
Kung sakali mang pagsuyo'y lumaon
Dili kaya'y mamatay, sa limot mabaon
Nais kong sambitin ito sa iyo ngayon
Masaya akong umiibig sa iyo sa maling panahon.