Salamat sa Pagbisita
Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.
CHECK IT!
Dalwampu't Apat
Dalwampu't-apat na palabigkasan
Ng mga saknong na nagsasalungatan
Kung paanong aking ipangalandakan
Masidhing sa puso ay nararamdaman
Pinangusap ko ang mga unang taludtod ng lumbay
Hinayaang manangis at maluray
At kung sa puso mong matigas hindi manulay
Ibubulalas pa rin ang paghikbing tunay
Tingin ko'y nakapinid na ang pinto
Ng k'wartong pinuno natin ng pagsuyo
Nakaamba na rin yaang matibay na kandado
Talaga nga bang nahuli na ako?
Pinagmamasdan mo na lang ang mga nalagas
Na masasamyong talulot ng rosas
Na minsang simbulo ng pagsuyo kong wagas
Tila ngayon sila'y bilanggong tumatakas
May butil ng tubig sa aking mga mata
Mainit na tila sa dibdib nagmula
Batid kong sa paghalik nito sa lupa
Puyos na galit mo'y hindi rin huhupa
Pinatula nila ako ng mga awit nila
Binosesan ang nauumid nilang mga nasa
Subalit minsan ba'y natulaan kita?
Dili kaya'y narinig mo ang sarili kong letra?
Nalulungkot akong tinutulaan ka ngayon
Kung kailan malamig na ang baga sa pugon
Mahirap nang makarinig ang tenga mong isa
Habang nakatiklop na yaong kabila
Subalit isusulat ko pa rin
Hahayaang lumipad sa hangin
Malabo man ito sa iyong pandinig
Alam kong mararamdaman mo yaong mga pintig
Sa totoo'y bulag na yaring aking mga mata
Sa kung saan patutungo ang dustay na tula
Wala ang direksyong pakanan, pakaliwa
Ang nasa ko lang sa gapos kumawala
Sa puntong ito'y guguhit ako ng ngiti
Na tunay at tigib, may lubos na pagtangi
Tutubigang muli ang naiigang labi
Upang pasasalamat sa iyo ay masabi
Hindi sa pagwakas ng ating kwento
Dili kaya'y sa pagdilig mo sa unan ko
Ang pasasalamat na sinasambit sa 'yo
Ay para sa bawat nagdaang pag-ikot ng mundo
Sa mga panahong napasaya ako
Ng ning-ning ng mga magagandang mata mo
Sa mga balaking hinabi kong minsan
Mga pangarap na ating sinimulan
Salamat sa apglapat ng palad sa aking dibdib
Sa pagpipinta ng luntian sa aking paligid
Sa mga sandaling bibig ay naumid
Sa di maisawikang kakaibang kilig
Ngayo'y pahihinluhurin ang mga letra
Na tila numerong dalawampu't dalawa
Nakayukayok sa matigas na lupa
Ang panambitang sa iyo'y ibubuga
Ipagpaumanhin mo sana ang kapalaluan
Mga ulan na nagdaan sa ating tag-araw
Mga mapanlagas na kaliluhan
At pintang kurbang nagsipanaw
Ipagpatawad mong naipagkait ko
Ang minsang pinangarap mong relasyong perpekto
Na sa ligaya naliliglig, napupuno
At ang tanging tauhan ay ikaw at ako
Kung sisibulan man muli ng bagong bukal
Ang naigang batis na saksi sa pagmamahal
Marapatin mo pa kayang muli akong makapansaw
Kagaya noong kahapon nating pumanaw
Sa pagkalagas kaya ng mga ulap sa langit
Sa paglipad ng mga alabok na dinilig kahapon
Maiwan kaya sa dibdib ang subyang na ngit-ngit
Paningin mo kaya'y mailap pa ring sa akin ituon?
Ang palabigkasan ko'y tila nauumid
Mga lumang hiwaga'y sa liwanag tumawid
At sa kadiliman naiwan ang pintig
Ng samyong hinahabol ang ikot ng daigdig
Lingunin mo man o hindi sa paglayo
Patuloy kong tatawagin itong pangalan mo
Sa dibdib na kutad na sinigwa't nabigo
Walang tigatig itong maghihintay sa 'yo
Halikan man ng libong malulungkot na dapit-hapon
Ilang kalendaryo man ang magbilang ng panahon
Ang punyal na tinarak ay matatalunton
Kung walang mangangahas bumunot at magpahilom
Sa huling mga salita bago ka mawala
At bago ibuhos ang huling kataga
Nasa kong ibalik sa iyo ang mga salita
Na minsang sa iyo rin nagmula
Lunurin ka nawa sa dagat ng gali
Kung makakita ng bago a kahit na hindi
Sa pag-usad ng panaho'y hangad ko ang ngiti
Na minsang sa akin ay paulit-ulit na bumighani
Tingin ko'y hanggang dito na lang
Ang dalwampu't-apat na palatudtudan
Subali't hindi sa mga letra mabibilang
Kung gaanong tulad mo sa akin ay hinihirang
Taglagas
Ako'y tanod ng unang pagputok ng lupa
Nang halikan ng araw ang iyong bunbunan
At higupin ng ugat mo ang aking tubig
Sa pag-akap ng halumigmig ng hangin
Habang umuusbong ka'y tumatanda ako
Sa bawat pagdahon ay halakhak ng puso
Mamumulaklak ka't magtatagumpay ako
Kapag namunga na'y mahihinog ako
Minsa'y nagsulat ako ng liriko
Ng musikang tinipa ng utak ko
Sa silong mo hinabi ang mga letra
At doon rin nilapatan ng himno ang ritmo...
Dimensyon
Tinimbang ka sa langit at ‘di alam ang bigat
Kung kaya at sa lupa gumawa ng timbangan
Niluklok ka sa trono at ito ang susukat
Ng gagamiting kahoy, sa altar mo’t upuan
Nagpatubo ng pakpak, upang langit maabot
Sa lupa iyong bagwis, sinubok pinalakas
Ipinako ang ulo sa dakong sobrang laot
Nang sa balintatanaw, liwanag ‘di tumakas
Sa pagitan ng mga panahon at distansya
Na pilit pinupunit ng abang taga lupa
Bubukas ba ang langit upang papasukin ka
O kakainin ka lang bilang bigong pag-asa?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)