visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na essay about wikang filipino. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na essay about wikang filipino. Ipakita ang lahat ng mga post

Hindi ka na Panaginip

Pinilit kong managinip para makita ka
Dahil doon lamang kita nakakasama
Subalit nanaginip akong mag-isa
At kahit saan anino mo'y wala

Pinilit kong iguhit sa isip
Ang kagandahan mong 'di malirip
Subalit natapos ang aking panaginip
Kariktan mo'y 'di man lang nahagip



Tumulo ang luha sa aking mga mata,
Wala na ikaw na sa panaginip ko'y nagpapasaya
Kaya't pinasya ko na lang na gumising
At ang tunay na mundo'y harapin

At sa pagpasok ng mga unang liwanag sa aking mga mata
Isang imahe ang aking nakita
Ang babaeng sa panaginip ko'y naglaho
Nagisngan ko na siya sa tabi ko... :)

_vhanfire

Abo




Matapos magbaga, magningas, at umusok abo ka nang sa hangin ay lalahok. Natatandaan mo pa ba ang himagsikan? Ang mga alulong ng pusong kumakawala sa pagkasiphayo at nagnanasa ng kalayaan? Malayo na ang nalakad ng kalendaryo matapos ang mga gabing puno ng bomba at putukan.
Kinatas ka’t  pinanday sa balangkas mong tunay na kapakipakinabang. Nilalang at pinaunlad upang ang utak nila’y magkatulay. Binuo kang sing bagsik ng lason at sing banayad ng pang gabing alon. Sisidlan ka ng puot at galit ng mga maghihimagsik at pinaglulanan ng matatamis na damdaming para sa Inang bayan.
                Ilang botelya bang tinta ang naubos na upang mangusap ka? Sina Balagtas at Rizal, naaalala mo pa ba? Kinalimutan ka na nga ba ng mga baguntaong lalang ng modernisasyon?, hindi naman siguro-
                Katulad kung paanong nilunod ng Amerika ang pagka-Pilpino ng mga katutubo nating mga nuno, ang A(ah) ay apple pa rin magpasahanggang ngayon at ball pa rin ang B(ba). Noon pa may pinangarap ko ng maging atis na lang sana ang A(ah) na kabisado ko ang lasa o bayabas ang B(ba) na paborito ng aking dila. Siglo na ng pag-gunaw subalit ang leksyon noong tagsibol ay s’ya pa ring turo ngayon.
                Katulad ng panambitan ng nalimutang iniibig, dinig na dinig ko kung paano ka manangis. Hindi ka nakalimutan ng mga dilang iyong inaruga o umaruga sa iyo. Tulad ng bukiring pinunlaan mo’t pinanagana, ikaw pa rin ang sasambitin ng dila nila; ang wikang hinulma ng  kapwa at nuno, para sa lahat ng dugong Pilipino.
                Ngayo’y lumipad ka sa hangin at manasok sa kan’lang mga baga. Ikaw ang abong muling magpapalaab sa natutulog naming pagmamahal sa Inang bayan at sa kanyang wika.
                Namulat sila na ang musika sa tenga ay ikaw ang letra. Sa bandang huli, magbabalik sila sa kandungan mo. Muli nilang mauulinigan ang matatamis na salitang minsan nilang winika gamit ang mga salitang sa iyo nagmula. At kapag sumapit na ang pagkarawal, pakinggan mo, hindi ako papalya at mauulinigan mong muli nilang sasambitin ang mga katagang “paalam bayan ko”. Kalian ma’y hindi nila matatanggap na mas mabuti ang pamamaalam katulad ng “goodbye” na turo ng dayuhan.