Matapos
magbaga, magningas, at umusok abo ka nang sa hangin ay lalahok. Natatandaan mo
pa ba ang himagsikan? Ang mga alulong ng pusong kumakawala sa pagkasiphayo at
nagnanasa ng kalayaan? Malayo na ang nalakad ng kalendaryo matapos ang mga
gabing puno ng bomba at putukan.
Kinatas
ka’t pinanday sa balangkas mong tunay na
kapakipakinabang. Nilalang at pinaunlad upang ang utak nila’y magkatulay. Binuo
kang sing bagsik ng lason at sing banayad ng pang gabing alon. Sisidlan ka ng
puot at galit ng mga maghihimagsik at pinaglulanan ng matatamis na damdaming
para sa Inang bayan.
Ilang botelya bang tinta ang naubos na upang mangusap
ka? Sina Balagtas at Rizal, naaalala mo pa ba? Kinalimutan ka na nga ba ng mga
baguntaong lalang ng modernisasyon?, hindi naman siguro-
Katulad kung paanong nilunod ng Amerika ang
pagka-Pilpino ng mga katutubo nating mga nuno, ang A(ah) ay apple pa rin
magpasahanggang ngayon at ball pa rin ang B(ba). Noon pa may pinangarap ko ng
maging atis na lang sana ang A(ah) na kabisado ko ang lasa o bayabas ang B(ba)
na paborito ng aking dila. Siglo na ng pag-gunaw subalit ang leksyon noong
tagsibol ay s’ya pa ring turo ngayon.
Katulad ng panambitan ng nalimutang iniibig, dinig na
dinig ko kung paano ka manangis. Hindi ka nakalimutan ng mga dilang iyong
inaruga o umaruga sa iyo. Tulad ng bukiring pinunlaan mo’t pinanagana, ikaw pa rin
ang sasambitin ng dila nila; ang wikang hinulma ng kapwa at nuno, para sa lahat ng dugong
Pilipino.
Ngayo’y lumipad ka sa hangin at manasok sa kan’lang
mga baga. Ikaw ang abong muling magpapalaab sa natutulog naming pagmamahal sa Inang
bayan at sa kanyang wika.
Namulat sila na ang musika sa tenga ay ikaw ang
letra. Sa bandang huli, magbabalik sila sa kandungan mo. Muli nilang
mauulinigan ang matatamis na salitang minsan nilang winika gamit ang mga
salitang sa iyo nagmula. At kapag sumapit na ang pagkarawal, pakinggan mo,
hindi ako papalya at mauulinigan mong muli nilang sasambitin ang mga katagang
“paalam bayan ko”. Kalian ma’y hindi nila matatanggap na mas mabuti ang
pamamaalam katulad ng “goodbye” na turo ng dayuhan.