“Ang bayan kong Filipinas,
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig nasa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.”
Makatalsik-laway man kung uulit-uliting banggitin ang
Filipinas, may posibilidad na ito na ang maging bagong pangalan ng ating inang
bayan. Sa pagsusulong ng Kumisyon ng Wikang Filiino (KWF), sa pamumuno ni
Ginoong Virgilio Almario, ang panukalang pagpapalit ng “Pilipinas” upang maging
“Filipinas” nagmula ang usaping ito.
Sabi ng KWF mas naunang tawaging “Filipinas” ang ating
bansa kaysa “Pilipinas”. Mula pa raw ito sa Las Islas Felipenas na itinawag ni
Ruy Lopez de Villalobos. Kita mo nga naman, sa history pala nagmumula ang gulo.
Bakit gulo? Subukan n’yong magbasa sa Internet, ipahanap n’yo kay Google ang
“Pilipinas to Filipinas” at siguradong lalatagan n’ya kayo ng mga salu-salungat
at nagngangalit na artikulong ukol dito.
Nakakatawang isipin na ang dahilan ng nararapat na
pagpapalit umano ng pangalan ng ating bayan ay ang pagkawala ng letrang “F” sa
alpabetong Filipino noong una (panahon ng Amerikano). Philippines ang tawag ng
mga kano sa ating bansa at tayong mga Pilipino ay isinasalin ito bilang
Pilipinas. Sa makatuwid ang salitang Pilipinas daw ay isang buhay na
representasyon ng kolonyalismong Amerikano. Aba! At anong tingin nila sa Filipinas nila, orihinal na Filipino?
Hindi nga ba’t buhat ito sa Felipinas ni Villalobos ng Espanya?
Sa kabilang banda, may maganda namang layunin ang panukala
ng KWF. Ito umano ay makapagpapadali sa pag-aaral at pagtuturo ng tamang
pagbaybay(spelling). Filipino raw kasi ang tawag sa ating wika kaya kung
magiging Filipinas ang ating bansa, at Filipino tayo ay ‘di haffy F country na.
Pero, hindi naman sa pangmamaliit sa adhikain nila, hindi
kaya dapat ang isipin nila at pagkaguluhan ay kung paanong mas madaling kikita
ng pera sa legal na paraan imbes na ang madaling
pagbaybay? Hindi kaya mas makabubuting ipanukala nila ay mga bagay na sasagot
sa kahirapan ng mga kababayan natin? Mas maganda siguro ito ano?
Sa huli, mapa-Pilipinas man o Filipinas ang tawag sa
ating bansa hindi na nito mababago ang katotohanang nakasilong pa rin tayo sa
bagwis ng ibang makapangyarihang bayan. Hindi nito kayang puksain ang katiwalian
sa pamahalaan at hindi rin siguro ito ganoon kaepektibong pampawi sa gutom ng ating
mga maralitang kababayan. Ano mang itawag sa Pilipinas, mananatili itong ang
bansa ni pobreng Juan. Pagkatapos nito siguro’y ang sunod nilang
pagdidiskitahan ay ang pagtatalo sa tamang pagbaybay sa Juan, Huwan ba o Juan?
Bahala na sila, tayo na lang mag-aral at baka mag-exam sa ma’am mamaya. Baka
makakaferfect pa, ‘di ba?