Puno ng labtik ng matatalim na
linyang pataas at pababa ang kahapong dalisay at puting dahon ng kawalan. Hindi
maino ng sino mang pantas ang silakbong ibinubuhos sa mga tintang halos nanagos
sa kaluluwa’t katawan ng walang buhay na papel. Ilang libong beses na
pinauli-ulian ng tingin at pinagtagni-tagni at ang nabuo ay (?). walang
kasiguraduhang mensahe na hatid ng marahil ay puot, panibugho o dalita.
Saan ako magsisimulang basahin
ang kwentong natatago sa makakpal na linya; Sa unang pahalang na tila
nangungusap na narawal na ang noo’y matamis na pagsinta; Sa pababang linya kaya
na sinasabi sa aking naninibugho siya sa hindi pag-apuhap at pag-aaruga sa
kanya ng mahal niyang ina. May linya ring pakurba na tila humihingi ng pampatid
sa kumakalam na sikmura. Tila tubig kung ibuhos sa akin ang mga luhang
balde-baldeng itinatago ng bawat simbulo.
Idarang ko lamang ito sa
nag-aalab na impyerno ay malalasap na ng itim na tinta ang katulad na karimlang
nakapaloob sa kanya. Basain ko kaya ng tubig baka sakaling maaagos ang lahat ng
damdaming ikinapla dito.
Mahirap kalimutan ang sakit at
puot. Mahirap pawiin ang pagal na idinulot ng pagkasiphayong hindi mo noon
ninasang alpasan. Ano ang magagawa ng isang papel sa ligmak na emosyong nais
mong ibuhos dito? Wala, kundi tanggapin ang lahat ng sakit at ang damdamin mong
nabibigatan. Salamat sa puting papel, salamat sa marker.