Salamat sa Pagbisita
Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.
CHECK IT!
Tinig ng Nalimutang Iniibig
Parang kahapon lang sa aking talaarawan, bakas pa ang tintang tigib ng ligaya. Mabango, at mura pa ang mga dinaanan ng labtik ng pinagsilu-silong mga letra. Ilang pahina matapos ang salitang “Mahal mo ako”, hindi ka na muling dumalaw, ni ang anino mo.
Hinahanap pa rin ng aking kaluluwa ang katas ng mga pangako mong minsa’y musika sa aking tenga. Tanaw ka man ng aking mata, natatakot naman akong tanungin kung naaalala mo pa ba. Siguro nga’y nakalimutan mo na. Magara na kasi sa auto mong malamig. Nakalimutan mo na nga ba?
Alam mo bang hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko noong mga panahong halos araw-araw mong sinasabing iniibig mo ko? Dahil doon araw-araw din kitang ginigising ng mga ngiti ko. Paulit-paulit at walang sawa kitang inaakap ng tila malamig na hanging balabal mo sa tuwing nag-iisa ka. Dahil doon hindi ko iniisip na sasaktan mo ako… O na malilimutan mo ako tulad ng ginagawa mo ngayon.
Saan ba ako nagkulang sa iyo? May mali ba akong nagawa at humantong sa ganito? Sana wag mo namang kalimutan ang lahat sa akin.
Batid kong halos wala na akong karapatang sabihin pa ang mga bagay an ito. Hindi mo naman ako nobya o asawa dahil kilala ko ang may -bahay mo.
Pero wala ka sa mundo kung wala ako. Ang mga perang ginagasta mo ay nagmula sa akin. Ang mga halakhak na ibibigay sa ‘yo ng mariwasang buhay ay unti-unting pagkamatay ko ang katumbas. Ngayon sabihin mo kung paano mo magagawang limutin at ipagwalang-silbi ang tulad ko?
Anak, natutuwa akong makitang lumalaki ka na nga. Ang mga laruan mong papel noon, ngayon ay may gasolina na, nasasakyan mo at napapaligaya ka. Masaya ako na mas malaki na ang mundong ginagalawan mo. Batid kong hindi ka na babalik sa pagkabata. Wala na ang mga nagdaang araw mo sa elementarya. Pero anak sana minsan tulad ng dati bago ka mag-aral ng leksyon,kumain ng iyong baon o matulog sa iyong kama. Sana tulad ng dati masabi mo ulit ang mga katagang tila nakalimutan mo na.
Sana marinig ko ulit sa mga labi mo ang mga panatang iniibig mo ako, ang iyong lupang sinilangan, tahanan ng iyong lahi. Iniibig mo akong kumukupkop at tumutulong sayo. Sana marinig ko ulit ito.