visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

Sukat


Pinilit sukatin sa dipa at dangkal
ang lungkot, hilahil, maging pagkapagal
May bihis na ngiti dusang gumigimbal
sa lalong pangarap tura'y pagmamahal

Kung paninimdimin ang langit na bughaw
Guguho, babagsak, dili'y magugunaw
saliwa't sa mata ang nasang matanaw
payapang baybayin na alon ay ikaw

Pag-ibig anaki'y payapa't banayad
Sa gali na lamang magpapamagdamag
ngunit kung ngiti sa labi'y mahuhubad
isususmpang hindi, tindi ng kamandag

Sukatin mo ngayon yaong katapusan
Sukating puspusan, walang tutunguhan

Ang Aking Elehiya


Kan'lang pinatugtog na ba ang kampana
upang pagmamartsa y magsimula na?
Patungo sa dakong aking iniwasan
na siya't-siya rin ang patutunguhan.

Nanagistis na ba ang mga pagbutil,
ng punlang sa mata tinangkang makitil?
Ang katal na labi'y mapapahinaghoy
kapag katawan na'y sa lupa lumaboy

Ilang patak-ulan pa ang hihintayin
upang lagakan ko'y, dukduki't, butasin?
Sa koro ng awit napatid ang kwerdas
ngayo'y mangangawit, lalamunang pag-as

Tatanungin ko ng paulit-ulit
ang Diyos at anghel sa aking pagsapit
sa lupang anila'y papanaw ang lupit
ng buhay na laging tampulan ng sakit.

Paalam sa paglubog ng haring araw
pati na sa ulap at langit na bughaw.
Ang awitin kong ito'y mag-uumpisa na
sa huling pagpintig naring aking letra...