visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

Ikalawang Kabanata



Sumilip ang hangin sa pagitan ng siwang ng mga dingding
Napayid ang pahina, binuklat ang bagong kabanata
May batik na pula; Luha; ang unang pahinang garing
Na kapag hinugasan ng tubig masisira; mawawala ang istorya

Ang sakit ay sa kahapon, at sa nakalipas na lang
Ngiti na ang hinahanap ng aking labi sa bukas na darating
Umibig ako, umasa, nabulag nagpabaya, hindi ko napigilan
Ipinahawak ang puso ko sa kamay mo nang ika’y mahalin

Ilang tulog ang aking ginawa sa pag asang
Ayos na ang lahat sa aking paggising
Malalim man ang sugat mong nagawa
Ang nakaraa’y nakaraan na lang sa atin

Hindi ko pa tinatapos ang kwentong ating nasimulan
Subalit ang pagpapasakit sa sarili ay sapat na
Hindi ko ipinipinid ang pinto para sa ano man
Subali’t ang lahat ay nasa bago at ikalawa nang kabanata

Tunay na mapalad




Ngiti at ligaya, mapalad na bata
Kalungkuta’y wala,  sa puso mong mura
Hindi binibilang, tinigis na luha
Ng yong kaluluwang, hinango sa dusa
At pinaliguan ng poong dakila
Sa batis ng gali, sa sagradong lawa

Sa mga mat among, animo’y bituin
Ang kurba ng labi, at labas ng ipin
Mga hagikhik mo na may dalang lambing
Ay sya ring nasa kong lagi ay kamitin
Sa tuwi-tuwina, ay inadalangin
Iyong bahagian ang diwa’t panimdim

Sa ugoy ng duyan, na ikaw ang lulan
Sa hampas ng hangin na may kalamigan
Sa tapak ng paa mo sa damuhan
Sa awit ng ibon sa iyong ulunan
Naglinaw ang langit sa kaitaasan
Sa lilim ng puno ay may kagalakan

Mapalad ka bata, sapagkat mahal ka
Higit kanino man n gating bathala
Sa mga halakhak ng puso mo’t mata
Wala ang bagabag sa daraang sigwa
Walang pag-iisip sa mga problema
Tunay na mapalad ang mumunting bata

Anay at Tingga


Mayabang na anay ang sentro ng madla
Kaya daw ngatain ang matigas na tingga
Na gawa sa libong siphayo’t dalita
Kulob ng busabos na nasa’y makalaya.

Ang kalawang daw ay daig pa niya
Kaya’t ipinutong sa kanya ang korona
Tulad ng mga anay na sa kanya’y nauna
Ipin ang naubos, tingga ay natira.

Babae



Hinubad ang damit, subalit naghanap
Ng pampakli ditong, may higit na saklap
Nangiti subalit, ang luha’y kinalap
Sa paa’y dnilig, sa iisang iglap

Mula sa imaheng, kabigha-bighani
Puyos ka ng lihi, na dnidiskubre
At sa bawat puso, ng mga lalaki
Malabis kung ikaw, ay ipagkapuri

Ang turing sa iyo, ay reyna ng lahat
Sa ilang, sa patag, kalawaka’t dagat
Sa isang tingin mo, ay sumasambilat
Ang gimbal na hindi, nasang nailapat

Mga panangis mo’y tila isang lason
Na pinipigilang, mamatha’t matapon
Sapagkat ang lahat, ng bangis ng leon
Ay kayang kitiling wala sa panahon

Ika’y isang rosas, sa harding matingkad
Na inaabangan, ang pamumukadkad
Dusang binubuno, pagtingalang-pugad
Panag-uubusan, ng lakas at tatag.

Liwaliw


Halika katoto, at manaog tayo
Sa isang huwad at nakukubling mundo
Kung saan lahat ng ating mg gusto
Isang iglap lang at nagkakatotoo

Aking kaibigan, tayo ay lumipad
Sa himpapawid ay tayo’y maglalayag
Hayaan natin kung saan mapapadpad
Iwanan ang takot at pagkabagabag

Tayo na doon sa malawak na hardin
Ng mga bulaklak, at mga bituin
Kung saan ang abot, ng iyong paningin
Ay ang paraiso, masayang tanawin

Sa pagtakas natin sa kilalang lupa
Ating maabot, rurok ng ligaya
Mamalagi doon, ninanasa
Ngunit babalik din kung saan nagmula

Kaya’t kaibigan, isang hirit pa nga
Samahan mo ako at babalik kita
Sindihan mo na at pausukin mo pa
Kinuyom na dahon, nitong marijuana.

Pa'no Ko Sisimulan


Mabuti pang magbasa, ng isang istorya
Na masasatitik, sa puting pahina
Bulag man at bingi, ang mga salita
Magaling na yaon, pagka’t walang luha

Magaling pa kayong, mga mambabasa
Na ‘di tumatagos, sa aklat ang mata
Pawis man at laway, namin ay maiga
Iguguhit pa rin, ang inyong ligaya

Paano kung ‘di na, umiihi ang pluma?
Ng tinta na dugo, kahit hindi pula
Pano pag nawala, ang init at lansa
Buhay na emosyon, tiyak mawawala

Pano ko sisimulan, yaring aking kwento
Na ang tanging tao, ay ikaw at ako?
Kung kasawian na, ang siyang tinamo
Kung sinakal mo na, yaring panulat ko?