visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

Binagong Berso
















Muling tinalunton ng mata ang pahina
Ang himig ng tugma ay hindi nawala
Hindi rin inapuhap ang bagsik ng sumpa
Panalanging ang dating ay makapilas-tenga

Dumamba sa banayad na dagat ang pagsalat
Ang tabsing man di'y humilam sa matang dilat
Hindi ko mawari kung saan nagbuhat
Ang ulop sa dakong hinahabagat

Sa pusod ng dagat, madawag, madilim
Napunit ang pahinang pinag-alayan ng panimdim
Dili kaya'y nabunyag kinukubling lihim
Hindi man umula'y nahawi ang kulimlim

Nasaan ang bersong humawak ng tabak
Na balde-balde ang dugong pinadanak?
Nasaan ang gatas sa labi ng anak
Ng inang inagawan ng laya't halakhak?