visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

May Namumuong Ulap sa Dakong Silangan


Pasulyap-sulyap sa cellphone naghihintay ng vibration, tunog, ilaw o kahit anong sinyales na baka magpaparamdam ulit ikaw. Ilang araw na rin o linggo na ata pero parang kahapon lang ang saya pa nating dalawa. Saan ba ako nagkamali? Galit ka ba, nagpapamiss lang o talagang nagsawa na?

Sana pala noong una ka pa lang hindi na kita pinayagang pumasok sa puso ko. Sana tumigil na ako doon sa magkaibigan lang tayo. Pero sa pag-aakalang may malayo pa tayong mararating hinayaan kong tangayin ako ng aking damdamin. Inumpisahan kong planuhin ang bawat sunod na umaga na kasama ka. Ikaw ang una kong makikita sa tuwing umaga at ikaw ang magtatapos ng bawat araw ko sa pamamagitan ng matatamis na halik mo. Akala ko noong una puro summer lang ang mararanasan ko kasama ka. Pero dumating ang taglagas...

Unti-unti parang mga natutuyong dahon sa sanga ng kahoy ang pagmamhal sa iyong puso ay dahan-dahang natuyo at nanlagas. Wag mong sabihing hinayaan ko lang ang lahat kasi lahat na ata ng pagdidilig ginawa ko subalit wala na ata talagang pag-asa. Ang mga salitang binibitiwan mo sa akin na noong una'y tila arnibal ay unti-unting pumait at nawalan ng lasa. Nagsimula na nga ang kinatatakutan kong pagluha ng mga butuin sa unan, kumot at kama. Parang kandila ang pagsuyo mo unti-unting nauubos at nawawala. May kaunti pang liwanag na natitira subalit alam kong magdidilim din ang buong paligid ilang panahon pa. At isang umaga, gumising akong wala ka na. Hinanap ka sa lapag kasi baka panaginip lang ang lahat kagabi at nasipa lang kita pero hindi, wala ka nga. Hinanap kita sa banyo sa kusina kasi baka susurpresahin mo ako ng masarap na agahan ngunit wala talaga. Sa huli'y tiningnan kita sa pintuan kasi baka aabutin ko pa ang anino mo subalit malayo ka na. Naiwan akong walang alam sa nangyari. Alam kong darating ang panahong iyon pero hindi pa ako handa. Wala akong magawa kundi mapaluha.

Mula noong nagbago nang lahat sa aking mundo. Hindi ko na kilala kung sino ako. Palagi ko pa ring naririnig ang boses mo sa hangin. Palagi kong nakikita ang anino mo sa lupa at pag lalapitan ko bigla na lang nawawala. Pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Gusto kong malaman mong hinihintay pa rin kita. Babalik ka naman di ba?

Didito na lang ako at maghihintay na bumalik ka. Kung hindi man kita makita o kung hindi ka dumating hihintayin ko na lang ang kulimlim sa dakong silangan na mapunta sa aking ulunan. Hihilingin kong ibuhos nya sa akin ang pinakamalamig na tubig upang mamanhid ang aking pakiramdam. Titingala na lang ako upang saluhin ng aking mukha ang matatalim na patak ng ulan. Hahayaan kong hugasan nito ang pisngi ko at labi na noo'y nilunod mo ng matatamis mong halik. Ipapaanod ko ang bawat luhang tumatagistis sa aking mga mata na dati ay puno ng ningning sa tuwing makikita ka. Ipababalot ko ang buo kong katawan sa lamig ng ulan at hangin. Mananasok ito sa aking balat, tatagos sa bawat himaymay ng aking laman at mamamalagi aa aking buto upang makitil ang init na dati ay ibinigay mo.

Ganito kita kakalimutan
Ganoon rin kita gustong maalala

Salamat sa panahong naniwala akong may magic talaga ang pag-ibig. Salamat sa pagtuturo sa aking lumipad kahit na pinabayaan mo lang akong mahulog at masaktan. Salamat sa lahat ng masasayang ala-ala na itinanim mo sa aking utak at ngayon ay mamumunga ng walang hanggang pangungulila. Salamat sa minsang pagkompleto sa akin kahit pa iniwan mo akong durog nang ulit. At least kahit minsan sa buhay ko naranasan ko ang lahat.

Wag kang mag-alala katulad ng mga ulap. Ibubuhos ko lang lahat ng lungkot sa lupa at huhupa rin ito. Magliliwanag muli ang bughaw na kalangitan ko. Makakakita ulit ako ng rainbow.
Yong rainbow na dati sabi mo kapag nalulungkot ako isipin ko lang nasa kabila kang dulo. Nagkatotoo. Nasa malayong kabilang dulo. 😢😢😢

#writen_by_vhanfire

Tag mo na yong tropa mong may pinagdadaanan
Like na rin ang page para sa iba pang tugmaan post
Happy reading 😁😁😁