Malamig na hamog ang kumot ko
Ang unan ay mga dayami at damo
Sa latag na malamig na liwanag ng b'wan
Kasiping ang aninong walang init ang katawan
Idinuduyan ako ng banayad na hangin
Habang kinakantahan ng mga kuliglig
Sinisikil ang aking nananangis na damdamin
At pinananagistis sa mata, ang sagradong tubig
'di ko inakalang abot sa ganito
Na matutulog ako nang wala sa kandungan mo
Ang init ng akap mo'y hinahanap ko
Tulad ng kahapong nawalan na ng samyo
Ngayo'y tinutugis ka ng mga mata
Ang nagdaang kahapong tigib ng ligaya
Sa lilim ng langit habang nakatihaya
Ay inuusal yaring hiling sa maningning na tala
At nang magpahingalay ng dahil sa pagod
Ako'y nagulat sa naramdamang paghagod
'di man kita nakita saking paghahanap maghapon
Ako pala'y hinanap mo rin aking PANGINOON