Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

Lunes, Hulyo 15, 2013

Umawit Ako Para Mapaos

Sa ulirat ko’y laging may naglalarong
liwanag ng lamparang lilo
Lumulunok ng lagok ng lugmok na himutok
ng putok ng butsing pinupukpok ng dagok

Sa mata ko’y may humahaplit
na hagupit ng pait na sinapit
na wangis ng pipit na naipit nang sumapit
 ang lupit ng batong itinalsik ng paltik

Sa puso ko’y may kumikirot
na animoy nagkakamot na surot
ng puot at bugnot na ‘di mabunot
sa bangungot ng utak nanuot

Umawit ako para mapaos….
Ang boses na taos sa pusong ginapos
ng unos na humugos sa bastos
na palos na binatikos ng mga busabos

Sakit lang ng lalamunan
ang nakamtan nang tonohan
yaong kantang walang palatunugan
dili kaya’y notang tutupaan

Patirin mo ang kwerdas ng gitara
at patigilin ang alpa; nakabibingi,
pati ang piping trumpeta at tambol na banga
na kinatasan ng luha ng paghanga

Ako’y alipin ng katotohanang
hango sa kasinungalingang pinipilit
paniwalaan kahit batid kong kamatayan
lamang ang masusumpungan

Sa koro ng awit ay nangawit
ang litid ng leeg na sinipit
ng sakal na walang dalit
subalit may bunton ng galit

Ayo’ko nang umawit, ayo’ko ng tono
ng oda na nilikha nang panahon ng g’yera
sa trono ng Aberno at balisbis ng Cocito,
sa tarangkahan ng mga lilo at demonyo

Ang hirap maging makata,
kung ang nasa mo’y ikanta ang tula na dustay
sa mata ng pinag-alayang dalagang nagtamasa
rin ng paghanga sa mata ng iba

Umawit ako ng aking tula at humita
ng dalita sa sarili kong
letra, salita at tugma na nagtala
ng dusa at mantsa sa puting pahina

Wala man sa tono ang liriko
ng pagka-uldog ko sa iyo
ay ibayo ang pagsuyong naglalaro
sa bawat hulo ng liriko na kinapausan ko

Ipag-adya mo sana ang kalinsilan
na bunga ng sakit na nararamdaman
ang pait na sa aki’y ikinapit
ng hagupit ng labtik ng putik sa langit

Kung ‘di mawatasan ang awitin kong ito,
itago ang sikdo ng ulong umaso
sa bugso ng hanging walang samyo
na puno ng bolo ng pakpak ng paru-paro

Umawit ako at napaos……
At sa aking pagtatapos, nagapos ang signos
at puntos na ikinatalo ng hiningang kinapos
at lalamunang nagtamo ng galos

At ang awitin ko ay dito

nagtatapos…….
Mag-post ng isang Komento