visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

Waiting for you fall (shooting star)



And I’m gazing on silent stars
Fascinated by beauty at far
Shouting in the dark sky

Cold wind embraces me
And your smile is what I see
Then teased to stand the coldness

Waiting for your fall
That’s why I’m still through all
I hope you can hear my heart call
I’m waiting for your fall

Can’t even close my eyes
Cause you might fly so fast
Solitude will be so vast
If I’ll miss you this empty night

Heartbeats go so loud and eccentric
Like watching for the magic trick

I wish you’ll fall tonight; in my arms
Cause I want to hug you tight; with all my warmth

TULA


Normal na sa tula ang tumula ng damdamin
Upang ang kandado ng baul ay alisin
Kapag nagkukumislap na yaong salamin
Tuwa na ng tula ang syang sasapitin
 
Mga tinaklubang kataga ng itim na tinta
Ang nasa ng tula na iyong mabasa
Ilagpas ang tingin sa puting pahina
Hayaang basahin ng  pikit ang mata

Kung sasapitin man ng dustay na tula
Ang siya’y dustayin pa’t tuluyang maaba
Sapat na sa kanya ang umabot ka pa
Sa puso niyang twina ay nasa sa paa

Kalasit, siluin at saka wakasan
Patidin ang lubid, kamay ay alpasan
Kapag nagpumiglas  damdaming masidhi

Magnanakaw ito ng halik sa pisngi

Susulat Pa Rin



Sumulat ako ng sumulat sa’yo
May nabasa ka ba kahit isa dito?
Bago pa man tagsuin ng bagyo
Ang prutas ng pinilas kong kwaderno?

Hindi ko na binilang ang naubos kong ballpen
Hindi ko rin naman magagawang ika’y singilin
Pero galit na an gaming bulletin
Na wala ng ginawa kundi magpatusok sa amin

Nagtambak na din ang mga papel
Na sya naming pinagpatubuan ng pangil
Subalit ayaw na din kumagat
Singkaran ka raw kasi ng KUNAT

Sa huli wag mo na akong tanungin
Ang pagod ay lilipas din
Hindi pa ito ang huling babasahin

Asahan mong susulat pa din

Ang Pag-ibig



Ang pag-ibig parang isang ilog
Pigilan mo ang agos, ika’y malulunod
Magtampisaw ka at liligayang tunay
Kapag nadulas naman maghandang umaray

Ang pag-ibig tila isang hardin
May mga bulaklak at puno ng bango
Subalit kung ang unos, ito’y susubukin
Magsisipag lagas ang ganda’y guguho

Ang pag-ibig waring mga bituin
Marami, nakinang masarap abutin
Pero malayo kung iyong iisipin
Kinaumagahan ay mawawala rin

Ang pagibig animo ay ulap
Masarap marating sa kaitaasan
Subalit pa ito’y nag-ipon ng saklap
Paliliguan ka ng kanyang kalungkutan

Ang pag-ibig tulad din ng tula
Kapag umaawit, taludtura’t tugma
Gumamit man ito ng ibang salita

Matatapos ka rin sa iyong pagbasa.

Kay Lamig- Lamig



Nanginginig na ang tuhod ng pluma
Wangis ni Pacquiao na nasapak sa mukha
At nakababa na ang panangga
Hinihintay na lang na mapatumba

Nagkanlalagas na rin ang dahon
At sa bakuran mo sila nagkalat
Mahaba-haba na rin panahon
Mula ng magwalis sa tapat

Naiiga na ang batis, ilog at lawa
Nagkukong mamatay mga ulupong at isda
Tanging mga lumot na lang ang natitira
Ang lambat at bingwit ay nakahalumbaba

Kay lamig-lamig ng bawat tag-araw
Hinihintay na lamang ang aming pagpanaw
Ang kahapon ay nililingos, dinadalaw
Huling higop na ba ng mapait na sabaw?


Iyong Aarukin


Pinipilt kong palalimin at lumalim nga
Pinilit kong hanguin at hindi ki nagawa
Hinayaan ko’t nagningas na bigla
Tinakasan ko pero di ako nakawala

Tinabunan ko gamit ang lahat ng lakas
Subalit mas nag-ibayo ang kanyang pag-aklas
At ang tanikalang ginapos sa pagkapantas
Ay tila laway ng bulkan na nag-alpas

Pinabaha ko sa pag-asang ito’y maaanod
Pinalangoy  hanggang sa ang bisig ay mapagod
Nanginginig ang mata habang pinanunuod
Lamunin nawa siya at tuluyang malunod

At sa pagpikit ko pagkagat ng dilim
Tila isang bangungot sa aki’y gumising
Kumikinang sa dilim ang pangil niya’t ngipin

At ako’y kasama nya sa pinagbaunang lalim.

Kailan Mahuhub’dan?

Datapwa’t lagpasan ang tingin ay saliwat pa rin
Sa dapat na makita ng kanyang tanawin
Ang aninong noo’y nagtatago sa dilim
Ng silid na nagkukubli sa kaibang lagim

Sa sulok ay may boses, sa boses ay may at-at
Sa bawat gibik ng paghikbit lahat
Ay ang luha nyang pumapatak
Kasabay sa pag-agos ng hinagpis na dumadanak.

At kung nanasahin mong pagningasin ang lampara
Sa silid na kubkob ng haraya’t hiwaga
Subukan mo na ring tanggalan ng seda
Na nakatabing sa debuhong ninita

Hanggang sa pumutok ang bukang-liwayway
Ang hiwaga’y mangalat at maghiwa-hiwalay
Sya naming tulo ng iyong panis na laway

Kailan mahuhubdan ang utak na luray.

Juan



Anak ka ng sinapupunang sa iyo’y umaasa
Na ibabangon mo ang naaba n’yang pita
Ang bahag n’yang suot na kapol ng mantsa
Ay ikaw ang anaasahan niyang maglalaba

Dugong ipinasuso ng lupang nag-aruga
Bakit pipigilang idilig sa kanya?
Lamang buhat sa damong pasibol n’ya
Bakit ‘di siya maipag-adya?

Inalipi’t inalipusta ng mga banyaga
Ikaw ang gaganti, para sa kanya
Dunong at kiyas na sa iyo’y iginawad
Pantubos sa sanlang kalayaang huwad

Sa paglakad-lakad nga ng mundo
Nagpalit-palit man ang kalendaryo
Ilang pwet man ang maupo sa trono
Wala pa rin ang ninitang pagbabago

Kalis na tumimo sa kaluluwang pagal
Binubulok ang sugat, kabuktutan ng mga hangal
Na nakamaskara’t may bihis na dangal

Subali’t halimaw kung kubli’y matatanggal

Tanong


May itatanong pa sana ako sa ‘yo
Umalis ka lang.
Ayaw mo kasing nasasayang ang oras mo
Sa ating kwentuhan.

Kukumustahin ko sana si k’wan
Kung ano nang ginagawa n’ya.
Kaso bigla mo akong tinalikuran
At tuloy ay umalis ka na.

Aalukin pa sana kita
Ng pagkain, inumin o mauupuang silya.
Pero hindi na ako nakapagtangka
Tumalikod ka na kasing bigla.

Ngayon ay nagbalik ka
Nakangiti akong sinalubong kita.
Dito sa pinto ng langit muli nagkatagpo
Akong may-lalang at ikaw na likha ko

Ngayo’y papasok ka na sa pinto
Subalit nakasaad ka ba dito?
At tinanong mo”Nandyan po ba ang pangalan  ko?”
Sinagot naman kita “Yan nga sana ang itatanong ko sa iyo.”

Umawit Ako Para Mapaos

Sa ulirat ko’y laging may naglalarong
liwanag ng lamparang lilo
Lumulunok ng lagok ng lugmok na himutok
ng putok ng butsing pinupukpok ng dagok

Sa mata ko’y may humahaplit
na hagupit ng pait na sinapit
na wangis ng pipit na naipit nang sumapit
 ang lupit ng batong itinalsik ng paltik

Sa puso ko’y may kumikirot
na animoy nagkakamot na surot
ng puot at bugnot na ‘di mabunot
sa bangungot ng utak nanuot

Umawit ako para mapaos….
Ang boses na taos sa pusong ginapos
ng unos na humugos sa bastos
na palos na binatikos ng mga busabos

Sakit lang ng lalamunan
ang nakamtan nang tonohan
yaong kantang walang palatunugan
dili kaya’y notang tutupaan

Patirin mo ang kwerdas ng gitara
at patigilin ang alpa; nakabibingi,
pati ang piping trumpeta at tambol na banga
na kinatasan ng luha ng paghanga

Ako’y alipin ng katotohanang
hango sa kasinungalingang pinipilit
paniwalaan kahit batid kong kamatayan
lamang ang masusumpungan

Sa koro ng awit ay nangawit
ang litid ng leeg na sinipit
ng sakal na walang dalit
subalit may bunton ng galit

Ayo’ko nang umawit, ayo’ko ng tono
ng oda na nilikha nang panahon ng g’yera
sa trono ng Aberno at balisbis ng Cocito,
sa tarangkahan ng mga lilo at demonyo

Ang hirap maging makata,
kung ang nasa mo’y ikanta ang tula na dustay
sa mata ng pinag-alayang dalagang nagtamasa
rin ng paghanga sa mata ng iba

Umawit ako ng aking tula at humita
ng dalita sa sarili kong
letra, salita at tugma na nagtala
ng dusa at mantsa sa puting pahina

Wala man sa tono ang liriko
ng pagka-uldog ko sa iyo
ay ibayo ang pagsuyong naglalaro
sa bawat hulo ng liriko na kinapausan ko

Ipag-adya mo sana ang kalinsilan
na bunga ng sakit na nararamdaman
ang pait na sa aki’y ikinapit
ng hagupit ng labtik ng putik sa langit

Kung ‘di mawatasan ang awitin kong ito,
itago ang sikdo ng ulong umaso
sa bugso ng hanging walang samyo
na puno ng bolo ng pakpak ng paru-paro

Umawit ako at napaos……
At sa aking pagtatapos, nagapos ang signos
at puntos na ikinatalo ng hiningang kinapos
at lalamunang nagtamo ng galos

At ang awitin ko ay dito

nagtatapos…….

Tula ni Rosa



Kung sasagutin mo ako,
Makamit  ko kaya ay Oo?
O ang masaklap  na hindi mo,
Na gugunaw sa aking mundo?
Magsasawala’t-wala kaya ang mga rosas,
Tsokolate at masasarap na prutas?
O aani ng pag-ibig na wagas,
Na sa luha ko’y lalagas?
Nagustuhan mo kaya ang tono ng gitara,
Ang boses kong pinapalaki sadya?
Sa tuwing nakadungaw ka sa bintana,
At ako sa iyo’y humaharana?
Mapawi kaya ang ngalay at sakit ng balikat,
Na sa balde-baldeng tubig ay ipinagbuhat?
Maging yaring aking likod,
Na sa pagsisibak ay lubhang napagod?
Kinatutuwaan kaya ako ng iyong mga magulang,
Sa tuwing sila’y aking hinahat’dan,
Ng mga lutong ulam at mga kakanin,
Upang ikaw ay ipakausap sa akin?
Malakas, mabilis ang kabog ng dibdib ko,
Sa gabing ito kaya ay magkatotoo,
Ang mithiing pinag-alayan ng bawat segundo
Ng pagkadalagang sa iyo’y sumuyo?

Kung sasagutin mo ako sa gabing ito,
Sana naman ang makamit ko ay OO.
Tingin ko nama’y sapat na ang napatunayan ko,

Aking Rodolfo, tula mula kay Rosa mo.

Ano ba Tayo?

 Isang debuho ng babaeng nakaakap sa kanyang nobyo.
At isang anino ng lalaking nagmamatyag dito,
Malabo pa sa matang nahilam ng usok.
Ito ata tayo!

Labing rosa na pinagtalikan ng ligaya,
At matang ipinikit nang malunod sa luha.
Pisngi mo’y mainit na ebidensya,
Kung sino ka at sino s’ya.

Palad na nakatutop sa ulong nakayukayok,
Balikat na tinirahan na ng lumang alabok,
Mistulang mantsa sa isang sulok,
Yaan ang aninong sa liwanag nakabalot.

At sa pagpanaw ng musikang bumibingi sa atin,
Maiiwan sa tenga ang pintig ng dibdib ko.
At ang sa iyo ay aking hahagilapin,

Upang malaman kung ano ba tayo.

Nang Maglapat ang Aming mga Labi

Malamig ang gabi at madilim,
Tila balot ng kalungkuta't lagim.
Sa mata'y may liwanag ng gaserang matalim.
Lamok lang ang ingay, nananalanging taimtim.

Humalik sa tuhod ang aking noo.
Paghinga ko'y tila bilang na segundo.
Malalalim, mahahaba at pabugsu-bugso.
Na animo'y simoy ng malumbay na pasko.

Naghanap ako ng init na kakalinga,
Sa kaluluwang nilalamon ng hiwaga.
Nawala sa ulirat at sa kanya'y napahawak,
Papalapit sa akin siya'y hinatak.

Nang maglapat ang aming mga labi,
Lamig sa lalamuna'y napawi.
At labi n'yay hindi ko na tinigilan,
Hanggang sa maubos kape n'yang laman.

Bayaran

Hindi s'ya biktima ng karahasan
Biktima siya ng pagkalam ng laman.
Hindi siya pinilit na hub'dan
Siya ang nagkusang magbalat ng katawan.

Umaasang sa pagtatago ng b'wan
Mahahanap niya ang kasagutan,
Sa katanungan ng kanyan katauhan
Na nakukubli sa maalindog na katawan.

Nagtalik ang anino at liwanag.
Walang pag-ibig o pusong nabihag.
Ito ay palabas sa t'yatro ng bulag,
Bawal panuorin at bawal malantad.

Umaga na ng makita niya ang kwarto,
Wala na ang katawang matipuno.
Sa kanto ng kama hubad na naupo,
Tangay ang sigarilyo, sa kamay ay tatlong libo.