Anak ka ng sinapupunang sa iyo’y umaasa
Na ibabangon mo ang naaba n’yang pita
Ang bahag n’yang suot na kapol ng mantsa
Ay ikaw ang anaasahan niyang maglalaba
Dugong ipinasuso ng lupang nag-aruga
Bakit pipigilang idilig sa kanya?
Lamang buhat sa damong pasibol n’ya
Bakit ‘di siya maipag-adya?
Inalipi’t inalipusta ng mga banyaga
Ikaw ang gaganti, para sa kanya
Dunong at kiyas na sa iyo’y iginawad
Pantubos sa sanlang kalayaang huwad
Sa paglakad-lakad nga ng mundo
Nagpalit-palit man ang kalendaryo
Ilang pwet man ang maupo sa trono
Wala pa rin ang ninitang pagbabago
Kalis na tumimo sa kaluluwang pagal
Binubulok ang sugat, kabuktutan ng mga hangal
Na nakamaskara’t may bihis na dangal
Subali’t halimaw kung kubli’y matatanggal