Isang debuho ng babaeng nakaakap sa kanyang nobyo.
At isang anino ng lalaking nagmamatyag dito,
Malabo pa sa matang nahilam ng usok.
Ito ata tayo!
Labing rosa na pinagtalikan ng ligaya,
At matang ipinikit nang malunod sa luha.
Pisngi mo’y mainit na ebidensya,
Kung sino ka at sino s’ya.
Palad na nakatutop sa ulong nakayukayok,
Balikat na tinirahan na ng lumang alabok,
Mistulang mantsa sa isang sulok,
Yaan ang aninong sa liwanag nakabalot.
At sa pagpanaw ng musikang bumibingi sa atin,
Maiiwan sa tenga ang pintig ng dibdib ko.
At ang sa iyo ay aking hahagilapin,
Upang malaman kung ano ba tayo.