visitor analyticsvisitor analytics

Salamat sa Pagbisita

Ang site na ito ay para sa tagalog na tula (poem). Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay purong orihinal na gawa ng may akda. Ang mga imahe ay maaaring nanggaling sa mga open source na pinagkuhanan. Hindi inaangkin ng may akda ang ano mang imahe. Ano mang isyu hinggil sa mga post ay maaaring idulog sa page na ito. Maraming salamat.

CHECK IT!

Tayo ay Usok




Ibinuga at nagliparang pauna
Umikot-ikot at naghanap ng kasama
Paakyat, pababa sa ihip ng hangin
Tila insektong ‘di alam ang tutunguhin

May humilam sa mata, may pumasok sa ilong
Kinusot at inihingang palabas
Ang iba’y paurong mayroong pasulong
Tila mga bilanggong nga-ngayon nakatakas

Lumipad ka na parang ibon sa papawirin
O lumangoy na wangis ng isda sa latian
Sa kabila ng imahinasyon ay may mararating
Tayo’y mga usok na sa init nasawi’t nalalang.

Tinig ng Nalimutang Iniibig



Parang kahapon lang sa aking talaarawan, bakas pa ang tintang tigib ng ligaya. Mabango, at mura pa ang mga dinaanan ng labtik ng pinagsilu-silong mga letra. Ilang pahina matapos ang salitang “Mahal mo ako”, hindi ka na muling dumalaw, ni ang anino mo.
    Hinahanap pa rin ng aking kaluluwa ang katas ng mga pangako mong minsa’y  musika sa aking tenga. Tanaw ka man ng aking mata, natatakot naman akong tanungin kung naaalala mo pa ba. Siguro nga’y nakalimutan mo na. Magara na kasi sa auto mong malamig. Nakalimutan mo na nga ba?
    Alam mo bang hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko noong mga panahong halos araw-araw mong sinasabing iniibig mo ko? Dahil doon araw-araw din kitang ginigising ng mga ngiti ko. Paulit-paulit at walang sawa kitang inaakap ng tila malamig na hanging balabal mo sa tuwing nag-iisa ka. Dahil doon hindi ko iniisip na sasaktan mo ako… O na malilimutan mo ako tulad ng ginagawa mo ngayon.
    Saan ba ako nagkulang sa iyo? May mali ba akong nagawa at humantong sa ganito? Sana wag mo namang kalimutan ang lahat sa akin.
    Batid kong halos wala na akong karapatang sabihin pa ang mga bagay an ito. Hindi mo naman ako nobya o asawa dahil kilala ko ang may -bahay mo.
Pero wala ka sa mundo kung wala ako. Ang mga perang ginagasta mo ay nagmula sa akin. Ang mga halakhak na ibibigay sa ‘yo ng mariwasang buhay ay unti-unting pagkamatay ko ang katumbas. Ngayon sabihin mo kung paano mo magagawang limutin at ipagwalang-silbi ang tulad ko?
    Anak, natutuwa akong makitang lumalaki ka na nga. Ang mga laruan mong papel noon, ngayon ay may gasolina na, nasasakyan mo at napapaligaya ka. Masaya ako na mas malaki na ang mundong ginagalawan mo. Batid kong hindi ka na babalik sa pagkabata. Wala na ang mga nagdaang araw mo sa elementarya. Pero anak sana minsan tulad ng dati bago ka mag-aral ng leksyon,kumain ng iyong baon o matulog sa iyong kama. Sana tulad ng dati masabi mo ulit ang mga katagang tila nakalimutan mo na.
Sana marinig ko ulit sa mga labi mo ang mga panatang iniibig mo ako, ang iyong lupang sinilangan, tahanan ng iyong lahi. Iniibig mo akong kumukupkop at tumutulong sayo. Sana marinig ko ulit ito.

Ang Bayan kong Filipinas




“Ang bayan kong Filipinas,
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig nasa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.”

Makatalsik-laway man kung uulit-uliting banggitin ang Filipinas, may posibilidad na ito na ang maging bagong pangalan ng ating inang bayan. Sa pagsusulong ng Kumisyon ng Wikang Filiino (KWF), sa pamumuno ni Ginoong Virgilio Almario, ang panukalang pagpapalit ng “Pilipinas” upang maging “Filipinas” nagmula ang usaping ito.

Sabi ng KWF mas naunang tawaging “Filipinas” ang ating bansa kaysa “Pilipinas”. Mula pa raw ito sa Las Islas Felipenas na itinawag ni Ruy Lopez de Villalobos. Kita mo nga naman, sa history pala nagmumula ang gulo. Bakit gulo? Subukan n’yong magbasa sa Internet, ipahanap n’yo kay Google ang “Pilipinas to Filipinas” at siguradong lalatagan n’ya kayo ng mga salu-salungat at nagngangalit na artikulong ukol dito.

Nakakatawang isipin na ang dahilan ng nararapat na pagpapalit umano ng pangalan ng ating bayan ay ang pagkawala ng letrang “F” sa alpabetong Filipino noong una (panahon ng Amerikano). Philippines ang tawag ng mga kano sa ating bansa at tayong mga Pilipino ay isinasalin ito bilang Pilipinas. Sa makatuwid ang salitang Pilipinas daw ay isang buhay na representasyon ng kolonyalismong Amerikano. Aba! At  anong tingin nila  sa Filipinas nila, orihinal na Filipino? Hindi nga ba’t buhat ito sa Felipinas ni Villalobos ng Espanya?

Sa kabilang banda, may maganda namang layunin ang panukala ng KWF. Ito umano ay makapagpapadali sa pag-aaral at pagtuturo ng tamang pagbaybay(spelling). Filipino raw kasi ang tawag sa ating wika kaya kung magiging Filipinas ang ating bansa, at Filipino tayo ay ‘di haffy F country na.

Pero, hindi naman sa pangmamaliit sa adhikain nila, hindi kaya dapat ang isipin nila at pagkaguluhan ay kung paanong mas madaling kikita ng pera sa legal na paraan imbes  na ang madaling pagbaybay? Hindi kaya mas makabubuting ipanukala nila ay mga bagay na sasagot sa kahirapan ng mga kababayan natin? Mas maganda siguro ito ano?

Sa huli, mapa-Pilipinas man o Filipinas ang tawag sa ating bansa hindi na nito mababago ang katotohanang nakasilong pa rin tayo sa bagwis ng ibang makapangyarihang bayan. Hindi nito kayang puksain ang katiwalian sa pamahalaan at hindi rin siguro ito ganoon kaepektibong pampawi sa gutom ng ating mga maralitang kababayan. Ano mang itawag sa Pilipinas, mananatili itong ang bansa ni pobreng Juan. Pagkatapos nito siguro’y ang sunod nilang pagdidiskitahan ay ang pagtatalo sa tamang pagbaybay sa Juan, Huwan ba o Juan? Bahala na sila, tayo na lang mag-aral at baka mag-exam sa ma’am mamaya. Baka makakaferfect pa, ‘di ba?

Waiting for you fall (shooting star)



And I’m gazing on silent stars
Fascinated by beauty at far
Shouting in the dark sky

Cold wind embraces me
And your smile is what I see
Then teased to stand the coldness

Waiting for your fall
That’s why I’m still through all
I hope you can hear my heart call
I’m waiting for your fall

Can’t even close my eyes
Cause you might fly so fast
Solitude will be so vast
If I’ll miss you this empty night

Heartbeats go so loud and eccentric
Like watching for the magic trick

I wish you’ll fall tonight; in my arms
Cause I want to hug you tight; with all my warmth

TULA


Normal na sa tula ang tumula ng damdamin
Upang ang kandado ng baul ay alisin
Kapag nagkukumislap na yaong salamin
Tuwa na ng tula ang syang sasapitin
 
Mga tinaklubang kataga ng itim na tinta
Ang nasa ng tula na iyong mabasa
Ilagpas ang tingin sa puting pahina
Hayaang basahin ng  pikit ang mata

Kung sasapitin man ng dustay na tula
Ang siya’y dustayin pa’t tuluyang maaba
Sapat na sa kanya ang umabot ka pa
Sa puso niyang twina ay nasa sa paa

Kalasit, siluin at saka wakasan
Patidin ang lubid, kamay ay alpasan
Kapag nagpumiglas  damdaming masidhi

Magnanakaw ito ng halik sa pisngi

Susulat Pa Rin



Sumulat ako ng sumulat sa’yo
May nabasa ka ba kahit isa dito?
Bago pa man tagsuin ng bagyo
Ang prutas ng pinilas kong kwaderno?

Hindi ko na binilang ang naubos kong ballpen
Hindi ko rin naman magagawang ika’y singilin
Pero galit na an gaming bulletin
Na wala ng ginawa kundi magpatusok sa amin

Nagtambak na din ang mga papel
Na sya naming pinagpatubuan ng pangil
Subalit ayaw na din kumagat
Singkaran ka raw kasi ng KUNAT

Sa huli wag mo na akong tanungin
Ang pagod ay lilipas din
Hindi pa ito ang huling babasahin

Asahan mong susulat pa din

Ang Pag-ibig



Ang pag-ibig parang isang ilog
Pigilan mo ang agos, ika’y malulunod
Magtampisaw ka at liligayang tunay
Kapag nadulas naman maghandang umaray

Ang pag-ibig tila isang hardin
May mga bulaklak at puno ng bango
Subalit kung ang unos, ito’y susubukin
Magsisipag lagas ang ganda’y guguho

Ang pag-ibig waring mga bituin
Marami, nakinang masarap abutin
Pero malayo kung iyong iisipin
Kinaumagahan ay mawawala rin

Ang pagibig animo ay ulap
Masarap marating sa kaitaasan
Subalit pa ito’y nag-ipon ng saklap
Paliliguan ka ng kanyang kalungkutan

Ang pag-ibig tulad din ng tula
Kapag umaawit, taludtura’t tugma
Gumamit man ito ng ibang salita

Matatapos ka rin sa iyong pagbasa.

Kay Lamig- Lamig



Nanginginig na ang tuhod ng pluma
Wangis ni Pacquiao na nasapak sa mukha
At nakababa na ang panangga
Hinihintay na lang na mapatumba

Nagkanlalagas na rin ang dahon
At sa bakuran mo sila nagkalat
Mahaba-haba na rin panahon
Mula ng magwalis sa tapat

Naiiga na ang batis, ilog at lawa
Nagkukong mamatay mga ulupong at isda
Tanging mga lumot na lang ang natitira
Ang lambat at bingwit ay nakahalumbaba

Kay lamig-lamig ng bawat tag-araw
Hinihintay na lamang ang aming pagpanaw
Ang kahapon ay nililingos, dinadalaw
Huling higop na ba ng mapait na sabaw?


Iyong Aarukin


Pinipilt kong palalimin at lumalim nga
Pinilit kong hanguin at hindi ki nagawa
Hinayaan ko’t nagningas na bigla
Tinakasan ko pero di ako nakawala

Tinabunan ko gamit ang lahat ng lakas
Subalit mas nag-ibayo ang kanyang pag-aklas
At ang tanikalang ginapos sa pagkapantas
Ay tila laway ng bulkan na nag-alpas

Pinabaha ko sa pag-asang ito’y maaanod
Pinalangoy  hanggang sa ang bisig ay mapagod
Nanginginig ang mata habang pinanunuod
Lamunin nawa siya at tuluyang malunod

At sa pagpikit ko pagkagat ng dilim
Tila isang bangungot sa aki’y gumising
Kumikinang sa dilim ang pangil niya’t ngipin

At ako’y kasama nya sa pinagbaunang lalim.

Kailan Mahuhub’dan?

Datapwa’t lagpasan ang tingin ay saliwat pa rin
Sa dapat na makita ng kanyang tanawin
Ang aninong noo’y nagtatago sa dilim
Ng silid na nagkukubli sa kaibang lagim

Sa sulok ay may boses, sa boses ay may at-at
Sa bawat gibik ng paghikbit lahat
Ay ang luha nyang pumapatak
Kasabay sa pag-agos ng hinagpis na dumadanak.

At kung nanasahin mong pagningasin ang lampara
Sa silid na kubkob ng haraya’t hiwaga
Subukan mo na ring tanggalan ng seda
Na nakatabing sa debuhong ninita

Hanggang sa pumutok ang bukang-liwayway
Ang hiwaga’y mangalat at maghiwa-hiwalay
Sya naming tulo ng iyong panis na laway

Kailan mahuhubdan ang utak na luray.

Juan



Anak ka ng sinapupunang sa iyo’y umaasa
Na ibabangon mo ang naaba n’yang pita
Ang bahag n’yang suot na kapol ng mantsa
Ay ikaw ang anaasahan niyang maglalaba

Dugong ipinasuso ng lupang nag-aruga
Bakit pipigilang idilig sa kanya?
Lamang buhat sa damong pasibol n’ya
Bakit ‘di siya maipag-adya?

Inalipi’t inalipusta ng mga banyaga
Ikaw ang gaganti, para sa kanya
Dunong at kiyas na sa iyo’y iginawad
Pantubos sa sanlang kalayaang huwad

Sa paglakad-lakad nga ng mundo
Nagpalit-palit man ang kalendaryo
Ilang pwet man ang maupo sa trono
Wala pa rin ang ninitang pagbabago

Kalis na tumimo sa kaluluwang pagal
Binubulok ang sugat, kabuktutan ng mga hangal
Na nakamaskara’t may bihis na dangal

Subali’t halimaw kung kubli’y matatanggal

Tanong


May itatanong pa sana ako sa ‘yo
Umalis ka lang.
Ayaw mo kasing nasasayang ang oras mo
Sa ating kwentuhan.

Kukumustahin ko sana si k’wan
Kung ano nang ginagawa n’ya.
Kaso bigla mo akong tinalikuran
At tuloy ay umalis ka na.

Aalukin pa sana kita
Ng pagkain, inumin o mauupuang silya.
Pero hindi na ako nakapagtangka
Tumalikod ka na kasing bigla.

Ngayon ay nagbalik ka
Nakangiti akong sinalubong kita.
Dito sa pinto ng langit muli nagkatagpo
Akong may-lalang at ikaw na likha ko

Ngayo’y papasok ka na sa pinto
Subalit nakasaad ka ba dito?
At tinanong mo”Nandyan po ba ang pangalan  ko?”
Sinagot naman kita “Yan nga sana ang itatanong ko sa iyo.”

Umawit Ako Para Mapaos

Sa ulirat ko’y laging may naglalarong
liwanag ng lamparang lilo
Lumulunok ng lagok ng lugmok na himutok
ng putok ng butsing pinupukpok ng dagok

Sa mata ko’y may humahaplit
na hagupit ng pait na sinapit
na wangis ng pipit na naipit nang sumapit
 ang lupit ng batong itinalsik ng paltik

Sa puso ko’y may kumikirot
na animoy nagkakamot na surot
ng puot at bugnot na ‘di mabunot
sa bangungot ng utak nanuot

Umawit ako para mapaos….
Ang boses na taos sa pusong ginapos
ng unos na humugos sa bastos
na palos na binatikos ng mga busabos

Sakit lang ng lalamunan
ang nakamtan nang tonohan
yaong kantang walang palatunugan
dili kaya’y notang tutupaan

Patirin mo ang kwerdas ng gitara
at patigilin ang alpa; nakabibingi,
pati ang piping trumpeta at tambol na banga
na kinatasan ng luha ng paghanga

Ako’y alipin ng katotohanang
hango sa kasinungalingang pinipilit
paniwalaan kahit batid kong kamatayan
lamang ang masusumpungan

Sa koro ng awit ay nangawit
ang litid ng leeg na sinipit
ng sakal na walang dalit
subalit may bunton ng galit

Ayo’ko nang umawit, ayo’ko ng tono
ng oda na nilikha nang panahon ng g’yera
sa trono ng Aberno at balisbis ng Cocito,
sa tarangkahan ng mga lilo at demonyo

Ang hirap maging makata,
kung ang nasa mo’y ikanta ang tula na dustay
sa mata ng pinag-alayang dalagang nagtamasa
rin ng paghanga sa mata ng iba

Umawit ako ng aking tula at humita
ng dalita sa sarili kong
letra, salita at tugma na nagtala
ng dusa at mantsa sa puting pahina

Wala man sa tono ang liriko
ng pagka-uldog ko sa iyo
ay ibayo ang pagsuyong naglalaro
sa bawat hulo ng liriko na kinapausan ko

Ipag-adya mo sana ang kalinsilan
na bunga ng sakit na nararamdaman
ang pait na sa aki’y ikinapit
ng hagupit ng labtik ng putik sa langit

Kung ‘di mawatasan ang awitin kong ito,
itago ang sikdo ng ulong umaso
sa bugso ng hanging walang samyo
na puno ng bolo ng pakpak ng paru-paro

Umawit ako at napaos……
At sa aking pagtatapos, nagapos ang signos
at puntos na ikinatalo ng hiningang kinapos
at lalamunang nagtamo ng galos

At ang awitin ko ay dito

nagtatapos…….

Tula ni Rosa



Kung sasagutin mo ako,
Makamit  ko kaya ay Oo?
O ang masaklap  na hindi mo,
Na gugunaw sa aking mundo?
Magsasawala’t-wala kaya ang mga rosas,
Tsokolate at masasarap na prutas?
O aani ng pag-ibig na wagas,
Na sa luha ko’y lalagas?
Nagustuhan mo kaya ang tono ng gitara,
Ang boses kong pinapalaki sadya?
Sa tuwing nakadungaw ka sa bintana,
At ako sa iyo’y humaharana?
Mapawi kaya ang ngalay at sakit ng balikat,
Na sa balde-baldeng tubig ay ipinagbuhat?
Maging yaring aking likod,
Na sa pagsisibak ay lubhang napagod?
Kinatutuwaan kaya ako ng iyong mga magulang,
Sa tuwing sila’y aking hinahat’dan,
Ng mga lutong ulam at mga kakanin,
Upang ikaw ay ipakausap sa akin?
Malakas, mabilis ang kabog ng dibdib ko,
Sa gabing ito kaya ay magkatotoo,
Ang mithiing pinag-alayan ng bawat segundo
Ng pagkadalagang sa iyo’y sumuyo?

Kung sasagutin mo ako sa gabing ito,
Sana naman ang makamit ko ay OO.
Tingin ko nama’y sapat na ang napatunayan ko,

Aking Rodolfo, tula mula kay Rosa mo.

Ano ba Tayo?

 Isang debuho ng babaeng nakaakap sa kanyang nobyo.
At isang anino ng lalaking nagmamatyag dito,
Malabo pa sa matang nahilam ng usok.
Ito ata tayo!

Labing rosa na pinagtalikan ng ligaya,
At matang ipinikit nang malunod sa luha.
Pisngi mo’y mainit na ebidensya,
Kung sino ka at sino s’ya.

Palad na nakatutop sa ulong nakayukayok,
Balikat na tinirahan na ng lumang alabok,
Mistulang mantsa sa isang sulok,
Yaan ang aninong sa liwanag nakabalot.

At sa pagpanaw ng musikang bumibingi sa atin,
Maiiwan sa tenga ang pintig ng dibdib ko.
At ang sa iyo ay aking hahagilapin,

Upang malaman kung ano ba tayo.

Nang Maglapat ang Aming mga Labi

Malamig ang gabi at madilim,
Tila balot ng kalungkuta't lagim.
Sa mata'y may liwanag ng gaserang matalim.
Lamok lang ang ingay, nananalanging taimtim.

Humalik sa tuhod ang aking noo.
Paghinga ko'y tila bilang na segundo.
Malalalim, mahahaba at pabugsu-bugso.
Na animo'y simoy ng malumbay na pasko.

Naghanap ako ng init na kakalinga,
Sa kaluluwang nilalamon ng hiwaga.
Nawala sa ulirat at sa kanya'y napahawak,
Papalapit sa akin siya'y hinatak.

Nang maglapat ang aming mga labi,
Lamig sa lalamuna'y napawi.
At labi n'yay hindi ko na tinigilan,
Hanggang sa maubos kape n'yang laman.

Bayaran

Hindi s'ya biktima ng karahasan
Biktima siya ng pagkalam ng laman.
Hindi siya pinilit na hub'dan
Siya ang nagkusang magbalat ng katawan.

Umaasang sa pagtatago ng b'wan
Mahahanap niya ang kasagutan,
Sa katanungan ng kanyan katauhan
Na nakukubli sa maalindog na katawan.

Nagtalik ang anino at liwanag.
Walang pag-ibig o pusong nabihag.
Ito ay palabas sa t'yatro ng bulag,
Bawal panuorin at bawal malantad.

Umaga na ng makita niya ang kwarto,
Wala na ang katawang matipuno.
Sa kanto ng kama hubad na naupo,
Tangay ang sigarilyo, sa kamay ay tatlong libo.

I'm Loving that Girl

Hot sun gets even hotter
As it signals for the blooming of flowers
This time hearts grow fonder
Like a falling leaf on a flowing river

Skies are clear and feelings are vague
Sometimes I let her, sometimes I beg
And clock runs round and round
'till quandary is all i found

We split like twigs of tree
Half committed, quarterly free
Lurid words, drive poem crazy
Astonished and confused like quarterly

A butterfly flew on my lonesome heart
Just like a dot, there all it starts
It paints a dawn with gray
And abyss on the morning rays

That butterfly has pollen on her feet
And I know she'll leave, after we met
But I'll stay on shower of falling sleet
While setting my back ready for my defeat



As she waves her wings, she made a swirl
I can't move as she bid farewell
'cause deep inside I can feel
That oh! I'm loving that girl.

Pangitain

Bulag ang tala at pipi ang gitara
Subalit may kinang at musika
Salamat na lamang at hindi pilay ang letra
Na pinagbubukalan ng ibayong ligaya

Naaalala ka ng aking isip
Gusto kitang dalahin sa aking panaginip
Subalit ang mata ayaw pang umidlip
Malinaw ka pa raw niyang nasisilip

Ang aking panulat ay wala sa tono
Tila iba ang sinasa-ulong ritmo
Banayad ang byaheng ninanasa ko
Subalit sumasabay s'ya sa pintig ng puso

Hayaan nawa niya itong kalinsilan
Na dulot naring aking kahangalan
Papangarapin kita sa upuan at unan
Kahit sikat ang araw o nagyeyelo ang buwan

Pangungulila

Malamig na hamog ang kumot ko
Ang unan ay mga dayami at damo
Sa latag na malamig na liwanag ng b'wan
Kasiping ang aninong walang init ang katawan

Idinuduyan ako ng banayad na hangin
Habang kinakantahan ng mga kuliglig
Sinisikil ang aking nananangis na damdamin
At pinananagistis sa mata, ang sagradong tubig

'di ko inakalang abot sa ganito
Na matutulog ako nang wala sa kandungan mo
Ang init ng akap mo'y hinahanap ko
Tulad ng kahapong nawalan na ng samyo

Ngayo'y tinutugis ka ng mga mata
Ang nagdaang kahapong tigib ng ligaya
Sa lilim ng langit habang nakatihaya
Ay inuusal yaring hiling sa maningning na tala

At nang magpahingalay ng dahil sa pagod
Ako'y nagulat sa naramdamang paghagod
'di man kita nakita saking paghahanap maghapon
Ako pala'y hinanap mo rin aking PANGINOON